O r a s

Ikaw nga ba ang simula at hangganan?
Daang puno’t dulo’y hindi matanawan?
Anila’y bugtong kang walang kasagutan
Ubod ka nang lalim na palaisipan.

Ang mga paham pinilit kang sukatin
Bawat galaw mo segundo kung tawagin
Ikaw ba’y talagang puwedeng bilangin?
Isa ka bang daan na puwedeng lakbayin?

May tangkay kang patuloy paiikutin
Pag-ikot na hindi puwedeng pigilin
Pag-ikot na dapat ay aming habulin
Tunay ngang kami’y kawawa mong alipin.

Sa kamay mo kagandaha’y kumukupas
Inuubos mo ang taglay naming lakas
Buhay ma’y parang dahon mong nilalagas
Sa itinakda mo’y wala kaming ligtas.

Bakit kasi nagtakda ka ng hangganan
Dapat bang ang lahat ay may katapusan?
Pag-ikot ng kamay mo minsa’y pigilan
Saya’y h’wag palampasin sa kasukdulan.

Paglipas mo minsan nama’y pabagalin
Kabataa’y h’wag agad palilipasin
Kabantuga’y pagtagalin mo ang ningning
Ganda’t lakas h’wag kagyat pakukupasin.

Pabalik sa balag mo kami’y pagapangin
Nang panahong nagdaa’y aming dalawin
Mga maling nagawa ay babaguhin
Masasayang sandali muling namnamin.

Bintana ng bukas sana’y iyong buksan
Nang ang mangyayari’y aming matanawan
Malungkot na tadhana’y maiiwasan
Hayaang buhay sa saya tutuldukan.

Tuwing Bubuhos Ang Ulan

(A Novelette in Filipino)

Tuwing bubuhos ang ulan ikaw kaagad ang papasok sa isipan ko. Kaya paano kita makakalimutan gayong hindi ko naman kayang pigilin ang pagpatak ng ulan. Uulan kung kaylan nakatakdang umulan.

Kung puwede lang  ipanalangin na sana tag-araw na lang palagi para kahit kaylan ay hindi na bumuhos ang ulan. Kung puwede sana na laging may araw, lalabas ako kahit katanghaliang-tapat at hayaang sunugin  ng araw hindi lamang ang balat ko kundi ang bawat hibla ng iyong ala-ala sa aking isipan. Ang ala-ala mo kasi’y parang tinik na dinuduro ang bawat bahagi ng pagkatao ko.

Tuwing makikita ko na may namumuong kaulapan sa langit ay kasabay nitong mamumuo rin ang kalungkutan sa aking isipan. At kapag umihip na ang hangin at magbabadya nang umulan ay maghahanap na ako ng masisilungan sa dahilang kapag bumuhos na ang ulan ay bubuhos na rin ang mga ala-ala ng nagdaan at babahain ng lungkot ang buong pagkatao ko at hindi ito huhumpay hanggat hindi ako nalulunod sa lumbay.

Ngunit wala akong puwedeng silungan. Ala-ala mo’y parang aninong lagi akong sinusundan. Lalo na kapag umuulan. Isipan ko’y parang bubong na may butas at ang ala-ala mo’y parang tubig-ulan na pilit hahanapin ang butas na iyon para pasukin, upang ako’y lunurin sa lungkot at pighati.

Bakit kasi nagpasiya akong mamasyal sa labas noon? Dahil ba iyon ang unang pagkakataon na mapuntahan ko ang Sagada at napakahilig ko kasing maglakad-lakad sa ganoong bulubunduking lugar upang pagmasdan at kuhanan ng larawan ang kagandahan ng kalikasan? O dahil nakatadhanang tayo ay magkita? Nakalista na sa mga aklat ng mangyayari na magkukrus ang ating landas. Nakaguhit na iyon sa ating mga palad.

Part 1

Part 2

Part 3

Part 4

Part 5

Part 6

Part 7

Sariling Sikap

farmers_and_fishermen1 (1)Upang maabot minimithing pangarap
Magsikap ka at piliting makalipad
Iyong ikampay sariling mga pakpak
Sa bumbunan ng iba ay huwag yayapak.

Parang agilang sa langit ka lumipad
Patihulog ka’t dagitin ang pangarap
H’wag parang talangkang bumbunan ang hanap
At nang makaangat doon ka yayapak.

Kay saya kapag sa tuktok nakarating
Kung tama ang daang iyong tatahakin
Bunga ng tagumpay kay sarap anihin
Kung binhi’y ikaw, ‘di iba, ang nagtanim.

Huwag mainggit kapag kapwa’y umangat
Magsikhay rin nang maabot ang pangarap
Sa tagumpay ng iba ika’y magalak
Tulad nila’y kakayanin mong magsikap.

At kung tagumpay gusto mo ring anihin
Butil ng pagsisikap… dapat itanim
Sa dugo mo’t pawis ito ay diligin
Patabang isaboy mo ay panalangin.

Wika nga nila’y nasa Diyos ang awa
Ngunit tandaang nasa tao ang gawa
Kaya’t kung tagumpay nais matamasa
Magbanat ka ng buto’t h’wag tumunganga.

Hindi magugutom ang taong masipag
Tiyak ang tagumpay kapag nagsisikap
Ngunit kung ika’y kalahi ni Juan Tamad
Buhay mo’y babaon sa dusa at hirap.

 

Tadhana

Young men future

Suriin mo  sandali ang iyong buhay
Nagsikhay ka ba’t nakamit ang tagumpay?
O nabigo ka’t ngayo’y lunod sa lumbay.
Iya’y tadhana mong ikaw ang nagpanday.

H’wag mong isisi sa guhit mo sa palad
Kung sa kabiguan ikaw ay nasadlak
Timon ng bangka mo ikaw ang may hawak
Tangan mo din ang lubid ng iyong layag.

H’wag umangkas sa gulong ng kapalaran
Baka pag-ikot nito ika’y magulungan
Swerte’y h’wag hintayin baka ‘di ka datnan
Likhain ito sa sariling hulmahan.

Kakahinatnan mo h’wag sa baraha silipin
Buhay ay ‘di sugal h’wag mong balasahin
Talino’t lakas pangukit  na gamitin
Sa tadhanang sa bato nais lilukin.

Sa mga tala’y h’wag ibulong ang hiling
Wala silang tenga upang ika’y dinggin
Manapa’y sa Panginoon manalangin
Tulungan kang pangarap ay iyong kamtin.

Bawat desisyon na iyong gagawin
Mag-isip nang maayos, h’wag madaliin
Bawat anggulo ay dapat mong silipin
Ligaya’t tagumpay mo dapat tiyakin.

Bata… Bata… Saan Ka Ginawa?

mother-and-sonInay… si kuya po… mainit ang ulo
Hayun sa kuwarto nagmamarakulyo
Barkada n’ya kasi siya’y niloloko
Bakit kasi pangalan niya’y Anito?

“Kasi anak nagdate kami ng tatay n’yo
Doon namin nabuo iyang kuya mo.”
“Ah… eh… alam ko na kung bakit si diko
Ang ipinangalan n’yo sa kanya’y Sogo.”

“Tama! Napakatalino mo Luneta,
Mabuti na lang sa akin ka nagmana.”
“Ay inay, hayan, si bunso po’y gising na.”
“Oh FX! Halika nga, hug mo ang mama!”

Nang mag-ring ang phone sinagot ni Luneta.
“Inay, si ate nasa kabilang linya.”
“Akin na! Hello… Sofa… aba’y gabi na!
Hala… uwi! Si Rooftop, kasama mo ba?